Ang Dinidikta ng Pagguhit:Pangarap bilang Arkitekto
Ang bawat istrukturang ating nasisilayan ay nagsimula sa isang simpleng guhit isang ideyang hinubog ng imahinasyon at isinakatuparan ng determinasyon.
Sa bawat lungsod at bayan, may mga gusaling naglalaman ng kasaysayan, kultura, at pangarap ng mga taong naninirahan dito. Hindi lang ito basta gawa sa semento, bakal, at salamin kundi bunga rin ng pagsisikap, malikhaing kaisipan, at dedikasyon ng isang Arkitekto.
Noong bata pa ako, mahilig na akong gumuhit ng bahay sa likod ng aking notebook. Bagaman payak at simpleng mga linya lamang iyon, sa aking isipan, bawat isa ay may kwentong dala. Isang tahanan para sa isang pamilya, isang gusali kung saan maaaring mangarap ang iba, isang estrukturang maipagmamalaki ng bayan. Hindi ko pa man lubos na nauunawaan noon ang lalim ng arkitektura, alam kong ito ang mundong nais kong tahakin.
Isang napakagandang pangarap ang maisakatuparan ang mga ideya ko makita ang isang gusaling itinayo sa gitna ng lungsod, isang tahanang nagbibigay ng init at seguridad, o isang espasyong magiging saksi sa maraming bagong alaala.
Ngunit ang nais kong maging arkitekto ay hindi lang tungkol sa pagtatayo ng magagarang gusali. Gusto kong lumikha ng mga estrukturang kapaki-pakinabang sa tao at may malasakit sa kalikasan mga disenyong hindi lang angkop sa kasalukuyan kundi handa rin para sa hinaharap.
Ang pangarap kong maging arkitekto ay higit pa sa personal na adhikain. Ito ay tungkol sa paglikha ng isang mas maayos at magandang mundo isang mundo kung saan nagkakaisa ang sining at agham upang hubugin ang kinabukasan.
Kaya hindi ako titigil. Patuloy akong mag-aaral, magpapalawak ng kaalaman, at magsisikap, sapagkat bawat guhit ay may halaga”bawat isa ay may kakayahang magbigay kulay sa mundo.
Comments
Post a Comment